Makalipas ang mahigit isang siglo ng paghihintay ay maibabalik na sa Pilipinas ang Balangiga bells na kinuha ng mga sundalo ng Estados Unidos mula sa Balangiga, Eastern Samar noong 1901.
Sa November 15 sa Francis E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming isasagawa ang isang seremonya bago ang repatriation o pagbabalik ng mga kampana.
Ayon kay Dr. Rolando Borrinaga ng Committee on Historical Research ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang dalawang mga kampana na kasalukuyang nasa Wyoming ang iuuwi sa Pilipinas.
Aniya, maging ang ikatlong Balangiga bell na nasa isang museo na nakalaan para sa United States Army sa South Korea ay nakahanda na ring ibalik sa bansa.
Ani Borrinaga, ang pagbabalik ng mga kampana ay resulta ng pagsuporta ng mga US war veterans community tungkol sa usapin.
Sa ngayon ay hindi pa batid kung kailan ang eksaktong petsa ng pagdating sa bansa ng mga kampana dahil ire-refurbish o isasaayos muna ang mga ito bago simulan ang pagbiyahe pabalik ng Pilipinas.
Agosto ngayong taon nang lagdaan ni US Defense Secretary Jim Mattis ang dokumentong pumabor sa pagsasauli ng mga kampana.
Matatandaang mangilang beses na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ibalik ng pamahalaan ng Estados Unidos ang Balangiga bells sa Pilipinas dahil bahagi ito ng national heritage ng bansa.