Tiniyak ni House Majority Leader Rolando Andaya na ang panukalang batas na P3.757 trillion national budget para sa 2019 ay maisusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na buwan.
Sinabi ito ni Andaya kasabay ng balik-sesyon ng Kongreso makalipas ang isang buwang break noong Undas.
Ayon sa kongresista, mayroon silang sapat na panahon kaya ang bagong national budget ay mabibigay sa Pangulo bago mag-expire ang 2018 General Appropriations Act.
Tutol aniya ang Kamara sa reenacted budget dahil magiging mahirap itong ipatupad, malilimita ang gastos ng gobyerno at mabibigyan ang ehekutibo ng malawak na kapangyarihan kung anong proyekto ang ipapatupad.
Sa ngayon aniya ay isinasapinal na lang nila ang mga probisyon ng General Appropriations Bill para sa 2019.
Nasa panukala na ang ilan sa mga ahensya ng gobyerno na may malaking alokasyon ng pondo ay ang Department of Education (DepEd), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).