Umaabot sa limang kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P5 Million ang nakumpiska ng mga otoridad sa isang 23-anyos na drug dealer sa Camarines Norte.
Ang dinakip na dalagang big-time drug pusher ay kinilalang si Cherrielyn Estacio, 23-anyos, dalaga at residente sa Sta. Cruz Maynila.
Sa paunang imbestigasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), matagal na umanong nagde-deliver ng droga sa Bicol Region ang nasabing suspect.
Kung dati at patingi-tingi lamang, kalaunan ay naging malakihan ang transaksyon ng suspect hanggang sa naging big-time pusher na siya sa lalawigan ng Camarines Norte.
Makaraan ang ilang araw na pag-aaral sa kanyang galaw ay kaagad na nakipag-ugnayan ang PDEA sa Camarines Norte Provincial Police Office.
Isang team ang kanilang binuo na nakipag-transakyon sa suspect na kaagad namang kumagat sa pain ng mga otoridad.
Kaninang umaga, sa isang hotel sa Daet Camarines Norte naganap ang transaksyon sa isang tauhan ng PDEA na nagpanggap na buyer.
Habang inaabot ng suspect ang droga ay kaagad siyang hinuli ng mga otoridad kung saan ay narekober sa kanyang maleta ang limang kilong shabu.
Si Estacio ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 kaugnay sa kanyang pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.