12 lalawigan, tatamaan ng matinding dry spell ayon sa PAGASA
Aminado ang Department of Agriculture na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin sila ng solusyon kung paano mababawasan ang hinaharap na problema ng sektor ng agrikultura dahil sa nararanasang dry spell sa bansa.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na aabot sa 60-percent reduction sa aktwal na dami ng ulan ang mararanasan ng bansa sa mga susunod na buwan.
Partikular dito ang mga lalawigan ng Quezon, Camarines Norte at Sarangani na nauna nang kinakitaan ng kakapusan ng pag-ulan sa nakalipas na mga buwan.
Bukod sa nasabing mga lalawigan, inalerto rin ng PAGASA ang mga lalawigan ng Laguna, Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Romblon, Aklan, Antique, Guimaras, Biliran at North Cotabato.
Sinabi naman ng Agriculture Department na bukod sa mga tanim na pwedeng tumagal sa init ng panahon tulad ng munggo, okra at kamote, pwede rin maging alternatibo ng mga magsasaka ang pag-aalaga ng mga hayop.
Isa pa sa opsyon ay ang pagsasagawa ng cloud seeding sa mga apektadong lugar.
Para naman sa mga lugar na may pasilididad ang National Irrigation Administration, sinabi ng DA na sinimulan na ring magtipid sa pagpapakawala ng supply ng tubig dahil sa inaasahang tatagal ang tagtuyot hanggang sa kalagitnaan ng 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.