Nasabat ng mga awtoridad sa isang public market sa Cavite City ang aabot sa 1,737 kilo ng ‘botcha’ o double dead na karne.
Nagsagawa ng inspeksyon sa meat section ng naturang palengke nitong weekend sina Cavite Chief veterinarian Anna Teresa Baleda, George Garcia ng National Meat Inspection Service (NMIS) kasama ang mga pulis at tumambad sa kanila ang kilo-kilong botcha.
Kabilang sa mga double dead na karne na nakuha ay karne ng baboy, manok at baka.
Tinatayang nasa P300,000 ang halaga ng naturang mga karne na nakuha sa limang tindero.
Hindi naman dinala sa police station ang naturang mga tindero ngunit ipinatawag at binalaan ang mga ito tungkol sa pagbebenta ng botcha.
Ang mga double dead na karne ay hindi pumasa sa pagsusuri ng NMIS at karaniwang mas mura sa mga regular na karne.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa pagbili ng botcha dahil sa posibleng pagdudulot nito ng food poisoning at panganib sa kalusugan.