Dumulog na sa Commission on Human Rights ang Overseas Filipino Worker (OFW) na nabiktima ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Mangiyak-ngiyak si Ginang Gloria Ortinez nang i-kwento niya ang sinapit niya nang makuhanan ng bala sa kanyang bagahe.
October 25, paalis si Ginang Ortinez at pabalik sa Hong Kong kung saan labing-tatlong taon na siyang nagtratrabaho bilang domestic helper.
Hindi nakaalis ang OFW nang hulihin siya at i-detain sa airport ng ilang araw dahil sa naiwang bala sa bagahe.
Samantala, inihayag naman ni CHR Commissioner Gwen Pimentel-Gana na aalamin nila ang detalye ng pagkakahuli kay Ginang Ortinez at kung may nalabag na karapatang pantao.
“Atin hong titiginan ang allegations ni Ginang Ortinez tungkol sa tanim-bala. Titiginan po natin ang proseso ng pag-detain sa kaniya, may karapatan bang nalabag?,” ayon kay Gana.
Si Ginang Ortinez ay tinutulungan na ngayon ng Blas Ople foundation para makabalik agad sa kanyang trabaho sa Hong Kong.