Kulungan ng mga “rapist” na pulis, ipakita! – Sa Wag Kang Pikon! ni Jake Maderazo
Nakakabahala ang balita na ilang bulok na pulis ang sangkot sa umano’y “sex-for freedom” na kalakaran sa PNP. Siyempre, pinabulaanan ito ni Director General Oscar Albayalde, pero itong Center for Women’s Resources ay nagdeklara ng 13 “documented cases” ng rape, acts of lasciviousness, harassment at physical assault sa mga babae mula January 2017 hanggang July 2018.
Itong sina PO1 Jayson Portuguez and Severiano Montalban III ng Novaliches police station, QCPD ay nanggahasa sa isang 22 years old na babaeng suspect sa illegal gambling sa loob mismo ng kanilang “police mobile car”. Talaga namang nakakagalit dahil walang respeto at ginawa pang motel ang “simbolismo” ng sasakyan na dapat sana ay kontra krimen pero ginawang pugad ng dalawang gago.
Nauna rito, iyong kaso sa MPD station 4 na anti-drug operative at umiiyak pang si PO1 Eduardo Valencia na gumahasa naman ang 15 year old na anak ng isang drug suspect na kaso umano ng “palit-puri”.
Mabuti na lang , palaban itong si PNP-NCRPO chief Gen. Guillermo Eleazar laban sa mga tiwaling pulis. Kulang na lang sampalin o suntukin niya sa publiko para hindi pamarisan. At dahil kasong panggagahasa pareho, kinulong agad ang tatlong pulis.
Kung “bailable” naman ang kaso, ang mga akusadong pulis ay inilalagay sa “floating status” habang dinidinig ang kanilang kaso sa korte o sa loob ng PNP at NAPOLCOM. Ika nga, “innocent until proven guilty” lalo na’t “civilian” ang karakter nga yon ng PNP. Di tulad sa AFP na “court martial” o kulong agad ang mga sundalo kapag umabuso. At dahil “floating” lamang sila, hina-harass nila ang mga biktima hanggang mag-urong ng reklamo.
Kaya nga dito, parang embalsamado ang mga Senador at Congressmen natin. Kailan niyo ba babaguhin itong “civilian character” ng PNP partikular ang kamay na bakal laban sa mga “police abuses”? O kaya’y , magpatayo, damihan at ipakita sa media at taumbayan ang mga “police barracks” na kulungan ng mga abusadong pulis, habang dinidinig ang kanilang mga kaso. Kokonti lang sila, 2,181 bulok kontra sa matitinong 170,000 na PNP officers. Hindi po “due process” ang isyu rito, kundi pag-abuso sa kanilang kapangyarihan bilang “persons of authority”. Isang malaking katrayduran sa sinumpaan nilang tungkulin.
Tingnan niyo ang mga statistics, magmula noong 2016, merong 14,515 administrative cases ang isinampa laban sa mga pulis. 8,422 sa mga kasong ito ay naresolba kung saan, 2,181 na pulis ang nadismis o tinanggal na sa serbisyo. Pero ngayong 2018, meron pang “pending” na 6,093 cases.
Noong Enero 2018, naglabas ang PNP Records and Personnel Management ng ilang breakdown ng reklamo. May 22 kaso ng murder, 10 kaso ng kidnapping, 6 na homicide, 3 rape, 23 kaso ng robbery extortion , 70 kaso ng grave misconduct, 91 kaso ng AWOL, 161 kaso ng drug-related offenses at at 151 kaso ng drug addiction.
Isipin niyo, bawat reklamong ito laban sa mga pulis ay kwento ng kanilang pang-aapi sa mga biktima. Dinoble na natin ang sweldo ng lahat ng pulis sa kanilang P88-B budget bawat taon. Nang-aabuso pa rin at mas masahol pa sa mga kriminal ang iilang bulok na pulis. Kailan aaksyon ang Kongreso para baguhin ang malambot na sistema ngayon ng disiplina sa PNP?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.