954 na bagong kaso ng HIV naitala ng DOH sa buwan ng Setyembre
Nasa halos 1,000 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) infection ang naitala ng Department of Health (DOH) para sa buwan ng Setyembre.
Sa datos na inilabas ng HIV/AIDS Registry of the Philippines ng kagawaran, umabot sa 954 ang bagong kaso ng infection sa Setyembre na mas mataas sa 938 na naitala sa kaparehong panahon noong 2017.
Dalawampu’t apat ang nasawi dahil sa sakit sa naturang buwan.
Dahil dito umabot na sa 8,553 ang kabuuang bilang ng bagong HIV infections simula Enero kabilang ang 1,520 na kaso ng AIDS (acquired immunodeficiency deficiency syndrome) kung saan 459 na ang nasasawi.
Sa kabuuang bilang noong Setyembre, 85 percent o 563 katao ang nakakuha ng HIV dahil sa pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki; 237 ang nakipagtalik sa parehong babae at lalaki; habang 136 ang dahil sa male to female sex.
Siyam na kaso naman ay dahil sa needle sharing habang apat na kaso ang dahil sa mother-to-child transmission.
Pinakamataas ang bilang ng bagong kaso ng HIV sa National Capital Region (NCR) sa 266; sinundan ng CALABARZON na may 141 at Central Luzon na may 104.
Dahil dito, mula 1984 ay umabot na sa kabuuang bilang na 59,135 ang HIV cases na naitala ng DOH kung saan 6,588 ang full-blown AIDS at 2,917 na ang nasawi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.