Dotr: Walang dagdag sa pasahe pagkatapos ng MRT rehab
Hindi magtataas ng pamasahe ang Metro Rail Transit (MRT-3) oras na maisagawa ang rehabilitasyon sa nasabing railway system.
Sinabi ito sa isang statement na inilabas ng Department of Transportation (DOTr) kasunod ng pagpirma ng Pilipinas sa isang P18 Billion loan agreement sa Japan para sa rehabilitasyon ng MRT-3.
Ang proyekto ay tatagal hanggang sa taong 2022 at bahagi nito ang rehabilitation and maintenance ng lahat ng subcomponents ng MRT-3 kabilang ang electro-mechanical systems, power supply, rail tracks at depot equipment.
Magkakaroon din ng general overhaul sa 72 light rail vehicles ayon sa pahayag ng DOTr.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan, nais muna nilang makumpleto ang pagpapabuti sa 18-year-old na railway system at maramdaman ng publiko, partikular ng kanilang mananakay ang malaking pagbabago.
Mahigpit din aniya ang bilin ni Secreatary Arthur Tugade na huwag munang magtaas ng singil hanggang walang nararamdaman na “improvements” ang mga mananakay.
Huling nagtaas ng pamasahe ang MRT noong 2015 kung saan pinatupad ang P11 na base fare at dagdag na piso kada kilometro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.