DFA: Asean leaders gustong makausap ang pangulo
Humirit ng one-on-one meeting kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang Asean leaders at dialogue partners ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs.
Si Duterte ay nakatakdang dumalo sa 33rd Asean Leaders’ Summit na gaganapin sa Singapore sa susunod na linggo.
Inaasahang tatalakayin sa nasabing summit ang isyu sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, terorismo at iligal na droga.
Sinabi ni DFA Assistant Secretary Junever Mahilum-West na wala pang pinal na listahan kung sino ang mga makaka-usap ng pangulo para sa one-on-one meeting.
Bukod sa mga pinuno ng Asean countries, inaasahan rin na magpapadala ng kanilang top-level delegations ang US, China, Japan, European Union at South Korea bilang dialogue partners.
Kumpirmadong darating sa summit sina Chinese President Xi Jinping, Russian Federation President Vladimir Putin samantalang si Vice President Mike Pence naman ang kinatawan ni US President Donald Trump.
Gagamitin naman ng pangulo ang pagkakataon para mas patatagin pa ang ugnayan ng bansa sa Asean countries at sasabayan na rin ito ng pag-imbita ng mga foreign investor sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.