Ngayong araw na magsisimula ang operasyon ng kauna-unahang ‘land port’ sa bansa o ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Mula ngayong alas-4:00 ng madaling-araw, lahat ng Public Utility Bus (PUB) na may biyaheng Tagaytay, Cavite at Batangas papuntang Maynila at pabalik ay dito na ang sakayan at babaan.
Inaasahang magpapaluwag ito sa trapiko sa Metro Manila dahil hindi na papasok pa sa mga pangunahing kalsada ng rehiyon ang mga provincial buses.
Gayunman, batay sa Department Order No 2018-025 ng Department of Transportation (DOTr) mayroon pa ring 300 mga bus na papayagan pa ring pumasok ng Maynila o exempted sa paggamit ng PITX.
Sasailalim sa reclassification ang naturang mga bus at gagawing city buses.
Ang PITX ay may tatlong palapag kung saan mayroong departure bays para sa mga bus, jeep at taxi; arrival bays para sa mga bus at pribadong mga sasakyan; at kaya rin itong makonekta sa LRT-1 extension project.
High-tech din ang ticketing system sa naturang terminal.
Nakakalat din ang CCTV cameras sa paligid ng PITX na operational ng 24 oras para sa seguridad ng mga biyahero.
Sa isang pahayag kagabi, sinabi ni Transporation Secretary Arthur Tugade na ang kapakanan ng mga commuter ang prayoridad ng kagawaran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.