Mayor Sara, susuportahan sinuman ang piliing sunod na House Speaker ni Pangulong Duterte

By Len Montaño November 10, 2018 - 01:42 AM

Nilinaw ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na susuportahan niya sinuman ang piliin ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte na sunod na House Speaker.

Pahayag ito ni Mayor Sara matapos nitong sabihin na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang susunod na Speaker ng House of Representatives.

Ito ay kahit sinabi ni dating Foreign Affairs Sec. Allan Peter Cayetano na siya umano ang gusto ng Pangulo na maging sunod na lider ng Kamara.

Ayon sa alkalde, wala siyang ideya sa sinabi ni Cayetano basta susundin niya kung ano ang choice ng kanyang ama.

Una rito ay sinabi ni Cayetano na ang desisyon niya na tumakbong kinatawan ng Taguig-Pateros sa 2019 elections ay matapos ang “heart to heart talk” sa Presidente.

Sinabi naman ng kasalukuyang House Speaker na si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na magreretiro na siya sa pulitika sa susunod na taon at hindi na tatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.

Naging Speaker si Arroyo matapo mapatalsik si dating Speaker Pantaleon Alvarez na ayon kay Pangulong Duterte ay kagagawan ng anak na si Inday Sara, bagay na itinanggi naman ng nakababatang Duterte.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.