CAAP magbabawas ng flights sa NAIA simula sa kalagitnaan ng buwan
Magpapatupad ng pagbabawas ng flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa kalgitnaan ng buwan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para mabigyang-daan ang paglilipat ng lumang radar system at maglagay ng mas maayos na air navigational system.
Ito ang dahilan ng mga iniaanunsyong cancelled at adjusted flights ng mga airline companies.
Ayon sa CAAP, hiniling nila sa mga kumpanya na i-adjust ang kanilang flights sa NAIA at apektado nito ang mga flights mula November 15 hanggang 20.
Tiniyak naman ng CAAP na naipabatid ang flight reduction sa lahat ng Philippine-based airlines at sa Airport Coordination Australia (ACA).
Nasa diskresyon na umano ng airlines kung anong mga flight ang kakanselahin at ia-adjust.
Sa ngayon, mayroong 40 flights sa NAIA kada oras. Sa ipatutupad na pagbabawas flight, hindi bababa sa apat na flights ang mababawas kada oras.
Ipinaliwanag ng CAAP, bahagi ito ng safety measure dahil ang lumang Manila ACC radar na mayroong limitadong kapasidad lamang ay sasailalim sa transition phase at magiging Communications, Navigation, Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) system na.
Sa ilalim ng CNS/ATM magagawa na nitong sakupin ang buong bansa at inaasahang maisasaayos ang air traffic at airspace management sa mga paliparan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.