Kumpirmado nang dadating sa Pilipinas si President Xi Jinping ng China para dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting ngayong buwan.
Ito ang kinumpirma ngayong araw sa pahayag ni China Foreign Ministry Spokesperson Lu Kang.
Sa nasabing pahayag binanggit na si President Xi ay dadalo sa muna sa 10th G20 Summit na gaganapin sa Antalya, Turkey mula November 14 hanggang 16.
Ito ay base sa imbitasyon ni Republic of Turkey President Recep Tayyip Erdogan.
Matapos ang kaniyang official visit sa Turkey, sunod namang dadaluhan ni President Xi, ang 23rd APEC Economic Leaders’ Meeting sa Pilipinas mula November 17 hanggang 19.
“At the invitation of President Benigno Simeon Aquino III of the Republic of the Philippines, President Xi Jinping will attend the 23rd APEC Economic Leaders’ Meeting in Manila, the Philippines from November 17 to 19,” nakasaad sa anunsyo sa website ng China Foreign Ministry.
Ang pagbisita ni Xi sa bansa ay sa gitna ng nagpapatuloy pa ring tensyon sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Kamakailan lamang, nanalo ang Pilipinas sa unang round ng kaso laban sa China sa arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands.