Aarangkada muli ngayong araw ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa palpak na serbisyo ng Metro Rail Transit o MRT.
Ang nasabing imbestigasyon ay pangungunahan ng Senate Subcommittee on Public Services sa pamumuno ni Senator Grace Poe.
Ayon kay Poe, chairman ng subcommittee, ipatatawag sa hearing ang mga kinatawan ng Department of Transportation and Communications (DOTC), MRT, Light Rail Transit, Metro Pacific Investment Corporations at Center for Commuters.
Una nang itinakda ni Poe ang hearing noong Nobyembre 4, subalit naudlot ito matapos hindi sumipot si DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya.
Nakalulungkot ayon kay Poe na dahil sa kahinaan ng mga opisyal ng gobyerno, nasasakripisyo ang biyahe ng libu-libong pasahero ng MRT maging ng LRT.