Calida at Trillanes pinagkokomento sa petisyong ipatigil ang imbestigasyon sa security firms ng SolGen

Pinagkokomento ng Korte Suprema ang panig nina Sen. Antonio Trillanes IV at Solicitor General Jose Calida kaugnay ng petisyon ng SolGen na itigil ng Senado ang imbestigasyon sa security agency ng kanyang pamilya at sa nakuha nitong mga kontrata sa gobyerno.

Sa 3 pahinang notice, binigyan ng Supreme Court ang dalawang kampo ng 30 araw para magsumite ng kanilang memoranda ukol sa kanilang argumento kung valid o hindi ang imbestigasyon ng Senado.

Hindi nakapirma sa notice sina Justices Lucas Bersamin at Alexander Gesmundo na parehong may official business habang si Justice Jose Reyes ay naka-leave.

Noong Agosto ay hiniling ni Calida sa Korte Suprema na mahinto ang Senate investigation sa mga kontrata sa gobyerno na nakuha ng Vigilant Investigative and Security Agency Inc. na pag-aari ng kanyang pamilya.

Si Calida ang may-ari ng 60% ng security agency pero sinabi nito na nag-divest na siya ng kanyang share nang maitalaga siyang abogado ng gobyerno.

Read more...