Nanindigan ang Bayan Muna na tinaniman ng mga ebidensya para masampahan ng patong-patong na kaso ang inarestong consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Vic Ladlad.
Sinabi ni Bayan Muna chairman at dating partylist representative Neri Colmenares na mapapatunayan nilang gawa-gawa lamang ang bintang na may mga itinatagong high-powered firearms ang nasabing lider-komunista.
Magreresulta rin umano ito sa pagkabalam sa nilulutong pagbuhay sa usapang pangkapayapaan.
Si Ladlad ay inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Brgy. San Bartolome sa Novaliches sa Quezon City.
Nauna dito ay nanawagan ang kanyang mga kaanak na huwag saktan ang nasabing NDFP consultant dahil ito ay may hika at nangangailangan ng gamot sa kanyang sakit na emphysema.
Si Ladlad ay kabilang sa mga naging bahagi ng peace talk sa mga unang buwan ng Duterte administration.
Subalit nang bumagsak ang usapan ay kabilang siya sa mga ipinaaaresto ng pangulo.
Sa ginawang pagsalakay sa kanyang pinagtataguan ay nakakumpiska ang CIDG ng ilang mga baril at ilang mga dokumento.
Si Ladlad ay sinasabing isa sa mga mga responsable sa pagpatay sa kanyang mga dating kasamahan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army sa mga nakalipas na panahon.
Nauna na rin siyang kinasuhan ng murder kaugnay sa pagkakadiskubre sa ilang mga mass grave ng mga suspected NPA members sa Southern Tagalog Region ilang taon na ang nakalilipas.