Layon ng Senate Resolution 929 na hindi lang mabigyan ng hustisya ang siyam na pinatay na magsasaka at matukoy ang utak ng pagpatay kundi para matugunan ang kondisyon ng mga magsasaka.
Sinabi ng minority senators, tutukuyin din ang ugat ng kabiguan ng gobyerno na ganap na maipatupad ang programang agraryo.
Magugunita na noong Oktubre 20 brutal na pinatay ang siyam na magsasaka, kabilang ang dalawang kabataan sa Sagay City.
Ang NPA ang itinuturo ni Pangulong Duterte na responsable sa masaker, bagamat may mga impormasyon na may kamay sa insidente ang mismong may-ari ng lupain.
Ang resolusyon ay inihain nina Senators Leila De Lima, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV, at Senate Minority Leader Franklin M. Drilon.