P1.2M marijuana nasabat sa dalawang drug suspek sa Maynila

By Justinne Punsalang November 08, 2018 - 04:01 AM

Contributed photo

Arestado ang dalawang lalaking tulak ng marijuana matapos magkasa ng buy bust operation ang mga otoridad sa tapat ng Manila City Hall sa Ermita, Maynila.

Nakilala ang mga drug suspek na sina Mhar Vincent Ramos, 22 taong gulang; at Jeff Colorado, 20 taong gulang na kapwa mga estudyante.

Narekober mula sa mga ito ang walong balot ng marijuana na nakasilid sa mga pakete ng pagkain.

Partikular na nakuha mula sa dalawang suspek ang 168 gramo ng high-grade marijuana o kush na tinatayang nagkakahalaga ng P252,000 at 7.8 kilos ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P930,000.

Sa kabuuan, P1.2 milyon ang street value ng nasabat na mga iligal na droga.

Nabatid na sa pamamagitan ng social media nagtutulak ng marijuana ang dalawa at mga mag-aaral din ang kanilang mga parokyano.

Napag-alaman pa na mula sa Estados Unidos ang kush na binibenta ng dalawa.

Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.