Mga kawani ng NAIA, dapat ituro ang mga pasimuno ng tanim-bala scam
Hinihingi ng pamunuan ng Manila International Airport Authority o MIAA ang tulong ng kanilang mga empleyado upang matukoy at makasuhan ang mga pasimuno sa tanim bala scam sa paliparan.
Sa memorandum na inilabas ni MIAA General Manager Jose Angel Honrado, tiniyak nito na gumagawa na sila ng kaukulang mga hakbang upang matukoy ang puno’t-dulo ng naturang kontrobersya.
Hiling ni Honrado na ireport agad sa kinauukulan ang mga gumagawa ng hindi maganda upang malinis ang pangalan ng mga inosenteng manggagawa sa Ninoy Aquino International Airport.
Nanawagan din si Honrado sa mga empleyado ng paliparan na manatiling kalmado sa kabila ng mga insulto at pagpuna na kanilang tinatanggap mula sa publiko.
Dapat din aniyang manatili ang dignidad sa hanay ng mga manggagawa ng paliparan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ang panawagan ni Honrado ay sa gitna ng kontrobersiyang napapaloob ngayong sa mga paliparan sa likod ng mga alegasyon na may sindikato na nagtatanim ng bala sa mga bagahe ng ilang pasahero upang kotongan ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.