Matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko, inaasahang mararanasan sa Nov. 13

 

Nagpaalala na ang Metropolitan Manila Development Authortity (MMDA) na maaaring makaranas ng matinding pagsisikip sa trapiko ang mga motorista sa Friday the 13th.

Ito ay dahil maraming sasakyan ang inaasahang sabay sabay na susuungin ang mga lansangan dahil sa apat na araw na bakasyong dulot ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders’ meeting.

Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, posibleng magkaroon ng mabigat na daloy ng trapiko sa darating na November 13 lalo na sa mga lugar na malapit sa mga provincial bus terminals.

Nabatid kasi aniya na kaunti lamang ang mga pasaherong tumungo ng mga probinsya noong Undas dahil tumama sa araw ng Linggo ang November 1 at hindi naman idineklarang holiday ang November 2.

Marahil aniya karamihan sa mga pasaherong dapat pupunta ng probinsya noong mga panahong iyon, ay mas pinili na lamang na ipagpaliban ang kanilang biyahe dahil mas mahaba ang bakasyon dahil sa APEC.

Nauna nang sinuspinde ang mga klase sa lahat ng antas at maging ang mga tanggapan ng gobyerno mula November 17 hanggang 20, habang sa November 18 hanggang 19 naman ang holiday para sa mga pribadong kumpanya.

Itinakda na ang mga nasabing holidays sa kasagsagan ng APEC upang maibsan ang trapiko sa mga lansangan lalo na iyong mga dadaanan ng mga delegado.

Dahil dito inaasahan ng MMDA na sa November 13, araw ng Biyernes pa lang ay magsisi-alisan na ang mga tao, lalo pa’t araw na rin iyon ng sweldo at maaring maaga na ring nakatanggap ng mga bonus ang karamihan sa mga empleyado.

Sa kabila nito, pinaalalahanan ni Carlos ang mga motorista na mananatiling nakataas ang number coding scheme kahit pa sa kasagsagan ng APEC summit.

Nauna na ring inanunsyo ng MMDA na isasara ang parehong bahagi ng EDSA mula Shaw Boulevard sa Mandaluyong City hanggang Mall of Asia sa Pasay City sa loob ng 30 minutos sa tuwing may dadaang VIP delegate bilang security protocol.

Mamanduhan naman ng mga tauhan ng MMDA at Philippine National Police Highway Patrol Group ang trapiko para i-divert ang mga motorista sa Mabuhay lanes.

Read more...