Itigil na ang lobbying at ipaubaya na lamang kay Pangulong Aquino ang pasya para sa pagpili ng magiging bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), kapalit ng magre-retiro nang si PNP OIC Chief Leonardo Espina.
Ito ang sinabi ni Retired PNP General Arturo Lomibao sa panayam ng Radyo Inquirer. Ayon kay Lomibao, panget pakinggan ang mga balitang may mga pulitiko na naglo-lobby kay Pangulong Aquino ng kani-kanilang mga manok para maupo bilang pinuno ng pambansang pulisya.
Ayon pa kay Lomibao, dahil lumabas na sa balita na may kaniya-kaniyang manok na ang ilang opisyal ng Gobyerno para sa magiging susunod na PNP Chief, hindi maiiwasang magdududa na ang taumbayan sa kung sinomang mapipili na italaga sa pwesto ni Pangulong Aquino.
“Hindi maganda ang word na ‘lobbying’. Sana pabayaan na nila ang Presidente, he knows what is best for the people, tama na siguro ang lobbying na iyan,” sinabi ni Lomibao.
Sinabi ni Lomibao na ang mga lumulutang namang pangalan na posibleng maging bagong PNP Chief ay pawang pantay-pantay kung ang karanasan ang pag-uusapan, track records, confidence at merit.
Pero ayon kay Lomibao, kailangang maging “professional” at non-partisan ang magiging susunod na PNP Chief upang mapanatili niya ang tiwala ng publiko pambansang pulisya.
“Ang iisipin niya ay ang good ng greater majority, hindi lang ng mga uniform personnel but also the people. Paparating na ang eleksyon, although hindi mo maihihiwalay ang trabaho ng PNP Chief during elections, ipakita dapat na neutral at unbiased siya,” dagdag pa ni Lomibao.
Lobbying para sa itatalagang PNP Chief normal lang
Samantala, sa hiwalay na panayam sinabi ni Antipolo City 2nd Dist. Rep. Romeo Acop na bagaman normal lang ang lobbying para sa nasabing posisyon, sa huli, ay ang Pangulong Aquino pa rin ang magpapasya.
Ayon kay Acop, kahit na anong gawing paglo-lobby ng mga opisyal ng Pamahalaan, si Pangulong Aquino pa rin ang masusunod at pipili ng nais niyang maging PNP Chief.
Sinoman ang mapili ng Pangulo, sinabi ni Acop na ang importante sa lahat ay mapanatili ng susunod na PNP Chief ang trust and confidence sa kaniya ni PNoy.
“Kahit na anong gawin nila, ang Presidente pa rin ang masusunod kung sino pipiliing PNP Chief. Ang importante ay nasa kaniya ang trust and confidence ng Presidente,” ani Acop.
Magugunitang si House Speaker Sonny Belmonte ay umaming sumulat siya kay PNoy para iendorso si PNP Chief Region 3 Director Raul Petrasanta para maging susunod na hepe ng PNP.
Si NCRPO Director Marcelo Garbo naman ang manok ni DILG Sec. Mar Roxas, habang si PNP-CIDG Director Benjamin Magalong naman ang nais ni dating Senator Panfilo Lacson./ Dona Dominguez – Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.