Kawalan ng hakbang ng pangulo sa mataas na presyo ng bilihin dahilan ng 6.7% inflation rate ayon sa isang mambabatas

Isinisi ni Akbayan Party-list Representative Tom Villarin sa kawalang pakialam ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nagtataasang presyo ng bilihin ang dahilan ng pananatili ng 6.7 percent noong buwan ng Oktubre.

Ayon kay Villarin, hindi tinugunan ng pangulo ang problema at naghahanap pa ito ng masisisi sa pagsirit ng inflation.

Kabilang na rito ang pagbubunton ng sisi sa global external factors at sinabing wala na siyang magagawa pa rito.

Sinabi ni Villarin, wala nang aasahan kay Pangulong Duterte na tinawag niyang pahirap sa pagbibigay ng solusyon.

Wala na anyang silbi ang pagsuspinde ng economic managers sa ipapataw na excise taxes sa langis sa susunod na taon dahil hindi naman bumababa sa USD80 per barrel ang presyuhan sa world market.

Bukod sa pangulo, ang nangyaring iskandalo sa Bureau of Customs (BOC) ang isa rin sa dahilan ng inflation kung saan dahil sa pagkakapuslit ng bilyun-bilyong pisong shabu ay nagkaroon ng backlog sa imported goods kabilang na ang bigas na magpapahupa sana sa presyo.

Mas lumala pa aniya ang sitwasyon nang isailalim sa military control ang BOC kaya habang nalulunod sa inflation ang mga Pilipino ay malaking bato umano ang inihagis ng pangulo sa halip na salbabida.

Read more...