Sa kanyang reklamo sa Ombudsman, inakusahan ni De Lima si Aguirre ng paglabag sa Witness Protection, Security and Benefit Act.
Inakusahan din ang dating kalihim ng “felony of dereliction of duty” na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, kasama si Guevarra sa reklamo dahil pinayagan umano nito ang illegal admission ng mga kriminal sa Witness Protection, Security and Benefit Program ng Department of Justice (DOJ).
Sinampahan din si Guevarra ng reklamo kaugnay ng “gross misconduct and negligence” dahil sa umano’y kabiguan nitong litisin ang mga na-convict na drug lords sa kabila ng mga testimonya at extra judicial confessions na sangkot sila sa kalakalan ng droga sa New Bilibid Prison (NBP).
Ang tinutukoy ng Senadora na convicted drug lords ay sina Jojo Baligad, Peter Co, Vicente Sy, Hans Anton Tan, Herbert Colango, Noel Martinez, Froilan Trestiza, Engelberto Durano, Nonilo Arile, Jaime Patcho, Joel Capones, German Agojo at Rodolfo Magleo.
Ang mga ito ay convicted sa iba’t ibang kaso na may parusang hanggang 40 taong pagkakulong.
Pero sila ay nabigyan ng immunity alinsunod sa batas na ang testigong nasa ilalim ng WPP ay magiging immune sa criminal prosecution.