Hindi babaguhin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang disenyo ng kontrobersyal na footbridge sa Quezon City liban na lang kung may banta ito sa kaligtasan ng publiko.
Ayon kay MMDA Operations Commander Bong Nebrija, hindi agad mababago ang istraktura ng footbridge dahil may clearance na ito mula sa Metro Rail Transit 3 o MRT bago pa ito itayo.
Pwede lang anyang ikunsidera na baguhin ang footbridge kung ang technical working group ay may nakitang hindi magandang bagay.
Reaksyon ito ni Nebrija sa batikos ng netizens kaugnay ng taas ng istraktura.
Umani ng batikos sa social media ang matarik na footbridge.
Pero iginiit ni Nebrija na ang disenyo ng overpass ay para na rin sa kaligtasan ng publiko at para makaiwas sa mga kable ng MRT 3.
Kapag mababa anya sa tatlong metro ang footbridge, posibleng mangyari ang aksidente dahil sa tinatawag na pressure differential ng tren ng MRT 3.