Matapos makasama sa listahan ng Department of Information and Communication Technology (DICT) bilang isa sa potential bidder, kumpiyansa si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na mananalo bilang 3rd telecommunication player sa bansa ang kanyang consurtium na LCS Group-TierOne Communications.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Singson na matagal na nilang inayos ang pagkakaroon ng satellite na tanging ang kumpanya lang niya ang mayroon kumpara sa ibang bidders.
Dahil sa kanila ang satellite ay mas mabilis nilang maseserbisyuhan ang mga lugar na di naaabot ng signal noon lalo na anya iyong mga “unserved.”
“Tayo lang ang may satellite among the bidders. By August lilipad na yun ila-launch sa California. Pag-ikot, pagdating sa Pilipinas stationary yun nationwide agad tayo. Paglipad ng satellite, tatamaan lahat ng sulok sa lahat ng island sa Pilipinas especially the unserved so makikinabang po ang karamihan,” pahayan ni Singson.
Sinabi pa ni Singson na mas maibaba pa nila ang presyo at mapapabilis nila ang internet connection.
“Sigurado po yun. Mumura lahat dahil satellite na tayo diretso na hindi na kami aarkila pa sa mga linya linya…meron kaming sariling backbone ang tawag diyan ay highway so talagang ibabagsak namin ang presyo dahil para sa tao kami, trabaho muna bago namin isipin yung value. Talagang ibabagsak namin ang presyo dahil diretso na tayo sa mga taumbayan.”
Humigit kumulang 50,000 komunidad ang layon nilang lagyan ng telco-in-a-box na ipapasok sa isang solar-powered van para makapagbigay ng internet connection sa 500 meters radius.