Akusado sa bawal na droga na hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo, inabsuwelto ng Korte Suprema
Pinawalang-sala ng Korte Suprema ang akusadong si Jerome Pascua na ginawaran ng habambuhay na pagkakulong Laoag City Regional Trial Court Branch 13 noong 2012.
Sa 11-pahinang desisyon na sinulat ni Associate Justice Mariano del Castillo ng Supreme Court first division, inutos din ang agarang pagpapalaya sa akusado, maliban na lamang kung may iba pa siyang kinakaharap na kaso.
Sa pag-absuwelto sa akusado, ginawang batayan ng Korte Suprema ang hindi pagsunod ng mga tauhan ng pulisya sa chain of custody ng mga kumpiskadong bawal na droga na dapat ay inililipat sa kostudiya ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Pinuna rin ng Kataas-taasang Hukuman ang maling pagsasagawa ng inventory ng pulisya sa mga sinasabing ebidensiya na walang kinatawan mula sa Department of Justice at halal na opisyal.
Binigyang-diin sa desisyon na bilang mga awtoridad ay batid ng mga pulis na nagsagawa ng buy-bust sa akusado ang tamang proseso bago isagawa at matapos na isagawa ang kanilang operation.
Una nang iginiit ng akusado na wala siyang kinalaman sa illegal drugs trade at ang mga ebidensiya na iprinisenta ng mga pulis sa korte ay pawang planted.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.