Phoenix gas station sa Makati, inunahan ang closure order

Bago pa man maglabas ng closure order ang lokal na pamahalaan ng Makati City ay boluntaryo nang isinara ng Phoenix Petroleum ang kanilang gasolinahan sa Barangay Bangkal matapos itong magkaroon ng gas leak.

Ayon sa Makati City government, ang rason ng kanilang paglalabas ng closure order ay ang kawalan ng naturang gasolinahan ng kaukulang permit to operate.

Ngunit ayon kay Phoenix Petroleum Assistant Vice President for External Affairs, Atty. Ramon Zorrilla posibleng nagkaroon lamang ng miscommunication dahil hawak nila ang kopya ng kanilang business permit mula sa munisipyo ng lungsod.

Sa panayam ng Inquirer.net, sinabi ni Zorrilla na bago pa inilabas ang Makati local government closure order ay pansamantala na nilang itinigil ang kanilang operasyon noong alas-6 ng umaga ng November 1.

Dagdag pa nito, mananatiling nakasara ang gasolinahan hangga’t hindi pa natutukoy ang pinagmulan ng gas leak.

Samantala, batay sa inisyung order ng Office of the Mayor, nilabag ng Phoenix ang Section 4A.01 ng Revised Makati Revenue Code dahil sa kawalan nito ng mayor’s permit.

Batay sa order, muling makakapag-operate ang gasolinahan kapag nakakuha na ito ng kaukulang permit.

Read more...