PITX 100% corruption-free ayon kay Duterte
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagbubukas ng Parañaque Intermodal Terminal Exchange (PITX) kasama sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, MWM Terminals President Louie Ferrer, Megawide Chairman Edgar Saavedra at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.
Sa kanyang talumpati ay kinumpirma ng pangulo ang naging pahayag ni Tugade na walang kurapsyon at walang kumita na mga opisyal ng pamahalaan sa nasabing proyekto.
Binanggit rin ng pangulo na hindi niya naging contributor sa nakaraang halalan ang Megawide group na siyang nakabahagi ng DOTr sa naturang transport hub.
Ang nasabing makabagong transport terminal ang siyang magiging bagong sakayan at babaan ng mga pasaherong papunta at mula sa Southern Tagalog area.
Bukod sa mga bus ay magsisilbi rin itong terminal para sa mga AUV, jeepney at taxi.
Sa ipinakitang video presentation ng Megawide na siyang kapartner ng DOTr sa proyekto ay mayroon ding mall, restaurant at libreng wifi sa loob ng PITX.
Para sa mga pasaherong mahihintay ng kanilang masasakyan ay mayroong mga video monitor tulad sa paliparan at doon ay nakalagay ang takdang oras ng byahe at kung anong oras darating ang bus para sa isang partikular na ruta.
Nauna nang sinabi ni Tugade na bukod sa PITX ay kaagad na isusunod ng DOTr ang pagtatayo ng kahalintulad na tranport terminal.
Isa dito ang itatayo sa Santa Rosa Laguna at ang isa naman ay sa Bocaue, Bulacan na magsisilbing transport hub para sa mga bus na byaheng Norte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.