Pagbili ng PNOC ng P2-B halaga ng krudo kinuwestyon sa Senado
Duda si Senator Win Gatchalian sa gagawing pagbili ng Philippine National Oil Company (PNOC) ng P2 Billion halaga ng diesel o krudo sa Singapore.
Sinabi ni Gatchalian na duda siya kung ito talaga ang pinakamabuting hakbangin para matulungan ang mga driver sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Paliwanag ng senador sa kanyang posisyon, wala kasing katiyakan na aangkating murang krudo ay mapapakinabangan talaga ng mga jeepney drivers.
Aniya, may halos 180,000 jeepney franchise holders sa bansa na nakakakonsumo ng 161.1 litro ng krudo kada buwan at ang plano lang ng PNOC ay mag-angkat ng 50 milyong litro ng krudo kada buwan na 31 porsiyento lang ng pangangailangan.
Dagdag pa ng senador na inanunsiyo ng PNOC na ipagbibili lang ang imported diesel sa mga maliliit na kumpaniya ng langis na may 3,000 gasolinahan lang sa bansa kaya’t malabo na mga jeepney drivers ang talagang makikinabang sa plano.
Pagdidiin nito, ang dapat gawin ng gobyerno ay paigtingin ang Pantawid Pasada Program at aniya ipaglalaban niya na mabigyan ng P20,000 halaga ng fuel aid ang mga jeepney drivers sa susunod na taon sa halip na ibaba pa ito sa P10,000 na balak ng gobyerno dahil sa pagsuspindi sa fuel excise tax.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.