Hindi solusyon ang pagtatalaga ng mga militar sa Bureau of Customs (BOC) upang matugunan ang nagaganap na kurapsyon sa loob ng ahensya.
Ito ang naging pahayag ni Vice President Leni Robredo sa kanyang radio program na “BISErbisyong Leni.”
Ayon kay Robredo, paglabag sa Saligang Batas ang militarisasyon sa mga civilian agencies ng pamahalaan katulad ng Customs.
Paliwanag ng bise presidente, nakasaad sa Konstitusyon na ang pamahalaan ay sibilyan at pinamumunuan ng pangulo. Kaya nga aniya ang pangulo ang tumatayong commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang ipakita na mas mataas ang mga sibilyan kaysa sa militar.
Nakasaad din aniya sa Saligang Batas na hindi maaaring kumuha ng sibilyang posisyon sa pamahalaan ang mga aktibong miyembro ng militar.
Dagdag pa ng pangalawang pangulo, hindi solusyon ang militarisasyon upang masolusyunan ang kurapsyon sa smuggling sa loob ng Custom.
Ang dapat aniyang gawin ay palitan ang sistema sa Customs at gawing computerized ang lahat ng proseso dito upang mabawasan ang human transactions.