Senador Lacson umaasang mababawasan ang kurapsyon sa PNP dahil sa wage hike

By Justinne Punsalang November 04, 2018 - 06:14 PM

Nananatiling positibo si Senador Ping Lacson na mababawasan ang kurapsyon sa hanay ng mga pulis matapos ang dagdag sahod na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ito noong Enero.

Sa isang pahayag, sinabi ng senador na mababawasan ang mga tinaguriang ‘kotong cops’ dahil malaking tulong ang karagdagang pasweldo sa mga ito para sa kanilang mga pangangailangan.

Umaasa rin aniya siya na mas bibigyang pansin ng mga pulis ang paglilingkod sa publiko at pagprotekta sa mga ito laban sa mga kriminal at masasamang loob.

Matatandaang sa pamamagitan ng isang joint resolution, nagkaroong ng 100% salary increase sa mga police officer 1 o mula sa dating P14,834 ay P29,668 na ang kanilang buwanang sahod.

Dagdag pa ni Lacson, walang rason para sa Philippine National Police (PNP) para hindi ialay ang kanilang mga buhay sa pamahalaan at sa mga Pilipinong nagpapasweldo sa mga ito.

Kaya naman tunay na nakahihiya sa tuwing magkakaroon ng balita tungkol sa mga pulis at militar na nang-aabuso sa kanilang kapangyarihan at nagnanakaw mula sa kaban ng bayan.

Si Lacson ay nanungkulan bilang pinuno ng PNP mula 1999 hanggang 2001.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.