Amerikanong sundalo nasawi sa insider attack sa Afghanistan

By Justinne Punsalang November 04, 2018 - 05:28 PM

North Ogden

Nasawi ang isang Amerikanong sundalo, habang sugatan ang isa pa, matapos ang isang insider attack sa Kabul, Afghanistan.

Kinilala ang nasawing sundalo na si Bernt Taylor na mayor ng North Ogden sa Utah state.

Ayon sa North Atlantic Treaty Organization (NATO), sa ngayon ay wala pang umaako sa naturang pag-atake.

Ngunit sa nakalipas na dalawang pag-atake noong October 18 sa Kandahar at October 22 sa Herat, inako ng Taliban ang responsibilidad sa mga ito.

Ito na ang ikatlong tinatawag na “green-on-blue” attack sa loob ng tatlong linggo laban sa mga dayuhang militar na nasa Kabul para sa training ng mga sundalo ng nasabing bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ng Resolute Support mission ng NATO na batay sa inisyal na mga ulat, ang pag-atake ngayong araw ay ginawa ng isang miyembro ng Afghan National Defense and Security Forces.

Ayon pa sa NATO, napatay ng iba pang pwersa ng Afghanistan ang nasa likod ng pag-atake.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa insidente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.