Pumalag ang Palasyo ng Malacañan sa pahayag ni Cebu Archbishop Jose Palma na namamatay ang mga drug addict sa bansa ng walang “valid grounds.”
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na maaaring nakakalimutan ng mga kritiko na mismong ang mga drug addict ang nanlalaban at nakapapatay ng mga pulis.
Maaaring nakakalimutan din aniya ng mga kritiko na mismong ang mga nasa loob ng sindikato ng ilegal na droga ang nagpapatayan.
Tiniyak naman ni Panelo na hanggang may ebidiensya ay agad na kakasuhan ng pamahalaan ang mga nasa likod ng patayan na may kinalaman sa ilegal na droga.
Una rito, sinabi ni Archbishop Palma na nakadidismaya na basta na lamang pinapatay ang mga drug addict sa bansa ng walang sapat na rason.