Comelec, iginiit na mali ang premature campaigning

Aminado ang Commission on Elections na sinasamantala ng mga pulitiko ang butas ng batas tungkol sa premature campaigning.

Sa kanyang Twitter posts, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na kapag ang kandidato ay humiling sa media na magcover ng kanyang aktibidad, ito ay uri ng premature campaigning.

Anya, meron man o walang mga salita na humihimok sa tao na iboto ang isang kandidato, ang mga materyales tulad ng larawan ng mga kandidato sa posters ay isang campaign propaganda.

Ayon sa opisyal, tatlong buwan bago ang campaign period, dapat maparusahan ang isang kandidato dahil sa premature campaigning sakaling mamahagi ito ng campaign propaganda.

Gayunman, hanggang hindi naisasabatas ang panukalang pag-amyenda sa batas na nagbabawal sa premature campaigning, hindi pa rin mapaparusahan ang mga pulitiko.

Hinimok ni Jimenez ang mga pulitiko na iwasan ang premature campaigning meron man o walang batas na nagbabawal dito.

Anya, ang premature campaigning ay mali, sino man ang gumagawa nito.

“Bottom line, however, mali ang premature campaigning – kahit sino pa gumagawa. Parang bouncing check lang yan. Alam mo maling magpatalbog ng cheke, pero walang kulong pag ginawa mo. Mali pa rin,” ani Jimenez.

Read more...