Nilinaw ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar na walang kaugnayan sa anumang sindikato ng droga ang pulis na nahuling gumagamit ng cocaine sa isang high-end bar sa Taguig City kamakailan.
Sa panayam ay sinabi ni Eleazar na bagaman positibo sa paggamit ng droga ay hindi naman nila kinakitaan ng pagkakasangkot ang nasabing pulis sa bentahan ng illegal drugs.
Sinabi ni Eleazar na kaagad nilang isinalang sa interogasyon ang suspek na pulis dahil sa ulat na posibleng nakapasok na sa bansa ang mga cocaine mula sa Siniloa Mexican drug cartel.
Ang nasabing grupo ay isang malaking international drug ring na nag-ooperate sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang na ang US at Latin America.
Magugunitang nahuli sa aktong gumagamit ng cocaine sa comfort room ng isang high-end bar sa Taguig City ang suspek na si PO1 Redentor Bautista na naka-assign sa Manila Police District.
Sa ngayon ay may lead na rin ang mga otoridad kung saan kinukuha ng nahuling pulis ang cocaine na kanyang ginagamit.