Sr. Patricia Fox, aalis na ng bansa ngayong araw
Nakatakda nang lisanin ni Sister Patricia Fox ang Pilipinas matapos ang 27 taong paninirahan at pagsasagawa niya ng missionary works dito.
Ito ay dahil ngayong araw na mapapaso ang kanyang tourist visa na hindi na pinalawig pa ng Bureau of Immigration (BI).
Sa isang panayam, iginiit ng madre na wala siyang ginawang anumang masama at iligal sa kanyang pamamalagi sa bansa.
Matatandaang ipinag-utos ng BI ang deportation ni Sr. Fox alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y pakikiisa nito sa mga partisan activities.
Gayunman, sinabi ni Fox na ang kanyang pakikiisa sa mga naaapi ay bahagi ng kanyang pagpapahayag sa katuruan ng Simbahan lalo na sa katarungang panlipunan.
Samantala, sinabi ng legal counsel ng madre na si Atty. Jobert Pahilga na hindi pa tapos ang laban.
Ito ay dahil nakabinbin pa ang kasong deportation ni Sr. Fox sa Department of Justice.
Maaari pang bumalik si Sr. Fox sa bansa pag naipanalo nito ang kaso dahil tatanggalin ang kanyang pangalan sa immigration blacklist.
Samantala, ibinabala ni Anakpawis Part-list Representative Ariel Casilao sa gobyerno na hindi pa nito naipapanalo ang kaso laban sa madre.
Anya, marami pang religious groups ang susunod sa yapak ni Fox at ipagpapatuloy ang adbokasiya nito para sa mga naaapi.
Ipinanawagan din ng mambabatas sa publiko na kundenahin ang pagpapaalis ng BI sa Australian missionary.
Ikinadismaya ni Casilao ang hakbang na ito ng gobyerno sa kabila ng serbisyo ni Sr. Fox sa mga mahihirap, indigenous people, magsasaka at manggagawa sa loob ng halos tatlong dekada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.