Idineklara ng mga awtoridad na ‘generally peaceful’ o mapayapa sa pangkalahatan ang paggunita ng Undas ngayong taon sa Manila North Cemetery.
Ayon kay Manila North Cemetery ground commander Supt. Julius Caesar Domingo, wala silang naitalang crime incident mula November 1 maliban na lang sa isang insidente ng pagkakakumpiska ng marijuana.
Noong Huwebes naganap ang insidente kung saan sinubok ng isang 17-anyos na binatilyo na magpuslit ng mga pakete ng marijuana.
Nagkaroon lang din ng insidente ng pagkawala ng 10 bata na taun-taon namang nangyayari sa himlayan.
Sa ulat ng pamunuan ng Manila North Cemetery, 2 taong gulang na bata ang pinakabatang Nawala na agad namang nakuha ng kanyang mga kamag-anak.
Ayon kay Domingo, dahil sa pagtutulungan ng mga volunteers at ahensya ng gobyerno ay nasiguro ang seguridad sa naturang sementeryo ngayong taon.