3 CAFGU kasama sa nasawi sa landslide sa Mt. Province

Tatlong miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU ang kasama sa mga nasawi sa landslide sa Natonin, Mountain Province.

Ayon kay Captain Jefferson Somera, tagapagsalita ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, ang mga nasawi ay sina Leobel Orchilion, Linang Pallichang at Jonanthan Ngilin.

Ang tatlo ay pawang miyembro ng CAFGU Active Auxillary (CAA) sa ilalim ng Alpha Company ng 77th Infantry Battalion.

Nakatalaga ang tatlo sa Ubao Patrol Base, sa Barangay Ubao, Aguinaldo, Ifugao bago ang insidente.

Sinabi ni Lt. Col. Rembert Baylosis, dalawa pang CAFGU ang nawawala na parehong naka-leave noong maganap ang landslide.

Ani Baylosis ang mga CAFGU Active Auxillary ay nagtatrabaho para sa DPWH project bilang laborers at skilled workers.

Ito ay para may mapagkakitaan din sila dahil maliit lamang naman ang allowance ng CAFGU.

Paliwanag ni Baylosis, 15 araw kada buwan lang sila nagtatrabaho bilang CAFGu at sa nalalabing araw ay pwede silang magtrabaho ng iba para pandagdag ng income sa kanilang pamilya.

Read more...