Hindi na kasing dami ng kahapon ang mga taong bumibisita sa mga sementeryo ngayong araw.
Sa Manila South Cemetery, base sa huling tala ng mga tauhan ng Manila Police District ay nasa 696 pa lamang ang bilang ng mga tao sa loob ng sementeryo as of alas 7:00 ng umaga.
Simula naman kahapon ay nasa kabuuang 688,869 ang bilang ng mga dumalaw sa kanilang mga mahal sa buhay.
Walang naitalang anumang untoward incidents mula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng madaling araw.
Katunayan ay tatlo lamang ang nakumpiskang ipinagbabawal ng pulisya, at ito ay ang mga matatalas na bagay na sinubukang ipasok sa loob ng libingan.
Ayon sa mga otoridad, ibinalik din naman ang mga ito sa paglabas ng mga dumalaw.
Inaasahang magsisimula na ang muling pagdagsa ng mga tao sa loob ng Manila South Cemetery mula tanghali hanggang hapon.
Patuloy naman ang pag-asiste ng mga volunteers sa mga dumadalaw lalo na sa mga nagpapakuha ng blood pressure at nagpapa-tag ng mga batang kasama.