Nakiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng buong bansa sa Undas ngayong taon.
Matapos pamunuan ang isang Post-Disaster Command Conference sa Cauayan, Isabela matapos manalanta ang Bagyong Rosita, lumipad agad ang pangulo sa Davao City.
Huwebes ng gabi ay nakarating ang pangulo sa Davao Roman Catholic Cemetery para bisitahin ang himlayan ng kanyang tatay na si dating Governor Vicente Duterte at inang si Soledad.
Sa mga larawang ibinahagi ni dating Special Assistant to the President (SAP) Christopher Bong Go, makikita ang pangulo sa museleo ng kanyang mga magulang.
Sa kanyang pahayag sa Isabela, sinabi ng pangulo na lahat ay may pananagutan sa mga yumao at maging siya ay kailangang bisitahin ang kanyang mga magulang.
Bahagi na anya ito ng kultura ngunit mas mahalaga rito ay ang pakikipag-ugnayan sa mga ninuno.
Matatandaang matapos manalo sa pagkapangulo noong 2016 elections ay agad na tumungo si Duterte sa libingan ng kanyang mga magulang at umiiyak na hiniling ang paggabay ng mga ito sa kanya para pamunuan ang bansa.