Nailipat na ng Senate Sergeant-at-Arms sa pangangalaga ng Witness Protection Program ng Department of Justice si dating Customs intelligence officer Jimmy Guban.
Kaninang hapon ay dumating sa gusali ng Senado ang mga tauhan ng DOJ para kunin si Guban na naunang isinangkot sa P11 Billion shabu smuggling sa Bureau of Customs.
Dahil nasa ilalim na siya ng WPP si Guban ay mananatili sa isang safehouse ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra.
Mahigpit ang ibibigay na seguridad sa nasabing saksi para matiyak ang kanyang kaligtasan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Committee na pinamumunun ni Sen. Dick Gordon ay itinuro ni Guban si dating Police Senior Suprerintendent Eduardo Acierto na umano’y utak ng pagpasok ng nawawalang shabu shipment sa bansa.
Si Acierto ay hindi na rin mahagilap ng mga otoridad at hindi rin nagpakita sa pagdinig ng Senado noong Martes.
Sa Senado ay sinabi ni Guban na marami pa siyang pangalan na ibubulgar kaugnay sa talamak na smuggling activities sa bansa na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng pamahalaan.
Hindi natuloy ang paglilipat kay Guban sa custody ng DOJ noong Martes dahil sa isyu ng seguridad ayon kay Gordon.
Bago lumabas sa gusali ng Senado ay pinag-suot pa ng bulletproof vest ang dating BOC official.