Iba’t-ibang aktibidad idinaos sa Tacloban City sa 2nd anniversary ng pagtama ng Yolanda
Iba’t-ibang aktibidad ang isinagawa sa Tacloban City, Leyte kahapon, Sabado, para sa ikalawang taong paggunita sa pananalasa ng Supertyphoon Yolanda.
Nagkaroon ng premiere ng documentary film na “Fields of Hope”, na free admission o libre na napanood ng mga residente.
Alas 6:00 ng gabi, isinagawa ang “unveiling” ng Anibong Marker, sa Barangay Anibong.
Present sa pagtitipon sina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, Leyte Rep. Martin Romualdez at Vice President Jejomar Binay, maging ang ilang foreign dignitaries.
Sa naturang marker, makikita ang nguso o unahang bahagi ng MV Eva Jocelyn, ang malaking barkong sumadsad noong kasagsagan ng Yolanda.
Bukod sa MV Eva Jocelyn, may ilan pang malalaking cargo ships ang sumadsad, partikular sa Barangay 68 sa Anibong noong tumama ang storm surge, na ikinamatay ng maraming residente.
Matapos naman ang misa at reading o dedication at unveiling ng Anibong marker, nagkaroon ng tinatawag na “concert of hope”, kung saan kabilang sa performers ay si Douglas Nierras and company at Madrigal Singers.
Ngayong araw, (November 8), mas maraming aktibidad ang isasagawa para sa pag-aalala ng hagupit ng bagyo.
Matatandaang naging laman ng balita sa buong mundo ang pagtama ng Supertyphoon Yolanda o Haiyan sa Central Philippines, dahil sa lakas ng bagyo ay nag-iwan ito ng libo-libong nasawi.
Hanggang ngayon ay wala pang tunay na death toll o bilang ng mga namatay sa trahedya, dahil ang ilan sa mga bangkay ay hindi pa umano nakikita.
Subalit may ilang mga nagsasabi na sa Tacloban City pa lamang, nasa sampung libo na ang mga nasawi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.