Duterte dadalaw sa mga biktima ng landslide sa Mountain Province
Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilyang naiwan ng mga nasawi matapos matabunan ng lupa ang gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Natonin, Mountain Province.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na patuloy ang panalangin ng palasyo na buhay pa ang ibang biktima na natabunan ng lupa.
Sa pinakahuling talaan sampu na ang naiulat na nasawi habang labingisa ang nailigtas.
Aabot sa halos tatlumpu katao ang naiulat na nasa gusali ng DPWH nang maganap ang landslide.
Nagsasagawa na aniya ng rescue operation ang mga otoridad para mailigtas ang ibang biktima.
Tiniyak pa ni Panelo na on top of the situation si Pangulong Rodrigo Duterte.
Bibisita aniya ang pangulo kasama ang iba pang gabinete sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.
Makaaasa aniya ang publiko na tutugunan ng pamahalaaan ang pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.
Inatasan na rin ng pangulo ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na kumilos na at agad na magsagawa ng clearing operations para agad na maabot ng tulong ang mga lugar na dinaanan ng bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.