Ecowaste: Mga epal na pulitiko dapat ipagbawal sa sementeryo

Photo: EcoWaste Coalition

Hinimok ng waste and pollution watch group na EcoWaste Coalition ang mga pulitiko na huwag magpaka-epal ngayong Undas.

Ayon kay Aileen Lucero, ang national coordinator ng EcoWaste Coalition, huwag daw sanang samantalahin ng mga national and local politicians na tatakbo sa 2019 elections ang Undas para magpamahagi ng kani-kanilang propaganda leaflets o magpaskil ng tarpaulins o posters sa mga sementeryo.

Ang tarpaulins ay hindi biodegradable at may toxic content, habang ang mga leaflet ay lalo lamang magpaparami sa basura.

Giit ni Lucero, hindi dapat gawing common poster area ang mga sementeryo at mga lansangan na patungo sa mga lugar na ito upang ipangalandakan ng mga politiko ang kani-kanilang pangalan at mukha para sa political mileage.

Paalala ni Lucero, ang mga tao ay nagtutungo sa mga sementeryo upang dalawin at mag-alay ng bulaklak, kandila at dasal para sa kani-kanilang yumaong mahal sa buhay.

Kaya hindi aniya ito panahon para sa anumang political propaganda at pangangampanya.

Umapela naman si Lucero sa mga administrator ng mga libingan na tuluyang nang ipagbawal o i-ban ang distribusyon ng leaflets, commercial man o political, maging ang pagkakabit ng tarpaulins ng kahit sinong politiko, laban na rin sa partisan politics.

Dapat din aniyang huwag nang payagan ang pagpapaskil o pagpapako ng mga tarpaulin na may “Happy Halloween” o kahalintulad na mensahe, lalo na sa mga puno dahil sadyang mapanganib ito.

 

Read more...