Nagpalabas ng advisory ang Department of Health upang maging ligtas ang publiko kaugnay sa mga pag-iingat na dapat tandaan sa paggunita ng Undas 2018 lalo na yaong mga magtutungo sa mga libingan.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III sa mga bibisita sa mga puntod ng mga yumaong mahal sa buhay ang pagdadala ng sariling pagkain at tubig upang hindi magkasakit dala ng tinatawag na food-borne illnesses gaya ng pagdudumi o diarrhea, na maaaring makuha sa hindi ligtas na pagkain na binebenta ng mga ambulant vendor.
Pinaalalahanan din ang mga food vendor na tiyaking malinis ang preparasyon ng mga nilulutong pagkain para sa publiko, kasabay ang payo sa mga Local Government Units (LGUs) na bantayan ang mga nagtitinda ng pagkain sa mga libingan.
Para naman sa mga magulang, payo ng kalihim, huwag na isama ang kanilang mga sanggol at mga bata sa pagtungo sa sementeryo upang hindi malantad sa mga sakit habang ang mga nakatatanda naman ay hinikayat na manatili na lamang sa kanilang mga bahay lalo na yaong mga umiinom na ng maintenance, o kung hindi makatiis na hindi dumalaw sa mga sementeryo ay tiyakin na sila ay may mga kasama.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.