Nilinaw ni Presidential deputy spokesperson Abigail Valte na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa pangangailangan ng mga biktima ng bagyong Yolanda.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Valte na totoong may problema sa pagtatayo ng mga permanenteng bahay ng mga biktima dahil wala silang mabiling lupa sa lungsod para gawing relocation site.
Sinabi ni Valte na base sa ulat ng National Housing Authority (NHA), umaabot na sa 17,641 housing units ang kanilang naipatayo at kasalukuyang under construction ang 41,565 na iba pa.
Target daw ng NHA na makapag-patayo ng kabuuang 92, 544 units bago matapos ang taong kasalukuyan.
Magugunitang kahapon ay sinabi ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na tanging 572 units pa lamang ng pabahay ang naitayo ng gobyerno sa kanilang lungsod.
Higit na mababa ang nasabing bilang dahil target ng pamahalaan na makapagpatayo ng kabuuang 14,162 units sa Tacloban City lamang.
Pinuri naman ni Romualdez ang ibat-ibang mga pribadong samahan na ayon sa kanya ay walang sawa sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo hanggang sa kasalukuyan.