May mga rescuer nang nakarating sa bayan ng Natonin sa Mt. Province kung saan naroroon ang mga gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natabunan ng landslide.
Sa update ng PDRRMO Mountain Province, nagsimula nang magsagawa ng search and rescue operations ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ng Natonin.
Isang katawan naman ng biktima ang narecover na ng mga otoridad.
“As of this morning, some local responders from Natonin were able to reach the site. According to BFP-Natonin, the first responders have already started looking for the victims and have recovered at least one body,” ayon sa update mula sa PDRRMO Mountain Province.
Nasa 29 na katao ang na-trap sa nasabing gusali makaraang matabunan ng landslide.
Ang 20 sa kanila ay trabahador sa ginagawang gusali, 1 project engineer, 3 security guards at 5 evacuees.
Unang napaulat na 31 ang natabunan sa landslide, pero ayon sa PDRRMO, nakita na ang dalawang indibidwal na unang inakalang kasama sa na-trap.