Malacañan nakikipagtulungan sa Facebook para tugunan ang media harassment
Gumawa ng hakbang ang gobyerno para tugunan ang harassment sa mga mamamahayag.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Joel Egco, aktibo silang makikipag-ugnayan sa social media giant Facebook para matalakay ang pag-atake sa mga miyembro ng media.
Makakasama aniya ng task force ang Facebook sa mga gagawing media safety seminars.
Nakipag-pulong na ang ahensya sa mga opisyal ng public policy division ng FB at napagkasunduan na pwede silang magreport sa Facebook at susuriin ang post laban sa mamamahayag at posible itong matanggal kapag may paglabag.
Nilinaw naman ni Egco na hindi nila pwedeng diktahan ang Facebook at koordinasyon lang ang pwede nilang gawin.
Ang hakbang ay bunsod ng 85 kaso ng pag-atake sa mamamahayag, kabilang ang 14 na kaso ng online harassment na umanoy gawa ng mga supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte, batay sa joint report ng iba’t ibang media organizations.
Kamakailang lang ay tinanggal ng Facebook ang 95 pages at 39 accounts kabilang ang ilang pro-Duterte accounts dahil sa umanoy paglabag sa spam at authenticity policies.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.