Tuloy na ang nakatakdang fare increase para sa mga pampasaherong jeepney at bus sa pagpasok ng buwan ng Nobyembre.
Ito ay makaraang ibasura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang motion for reconsideration na isinumite nina Arlis S. Acao, na isang dating jeepney driver at Rodolfo Javellana, Jr. ng United Filipino Consumers and Commuters.
Nauna nang sinabi ng mga nagpetisyon na walang basehan ang panibagong dagdag singil sa pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
“It is apparent that the issues raised therein had already been passed upon by the Board in resolving the instant Petition for fare increase as the same issues were raised by Opposition Acao in his Opposition filed on 13 June 2018,” ayon sa inilabas na order na may lagda ng mga LTFRB board member at ni Chairman Martin Delgra.
Magugunitang naghain ng petisyon para sa fare increase ang ilang mga tranport group dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo at spare parts ng mga sasakyan.
Sa kanilang desisyon ay sinabi ng LTFRB na P1 ang dagdag para sa minimum fare sa Metro Manila, Southern at Central Luzon para sa mga pampasaherong jeepney.
Nangangahulugan ito na mula sa dating P9 at magiging P10 na ang pamasahe sa unang apat na kilometro.
Sa mga ordinary buses sa Metro Manila ay magiging P11 na ang minimum fare samantalang P13 naman sa mga airconditioned buses.